This is a repost, The original post sparked a great deal of positive comments on Ms. Yanah Paguio Bautista's Facebook account and was also published in her blogsite Life's a Twitch. An inspiring blog that touches the lives of its readers particularly the OFWs and their families around the world. Ms. Yanah is former OFW from Dubai, UEA and is now an English teacher for Korean nationals in the Philippines, a freelance writer and takes an active role in PEBA events and advocacy.
OFW: FAMILY FIRST
**No this is not a PEBA entry.. i just wanted to share this to everyone..**
Pangarap ng bawat magulang ng mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanyang pamilya. Magandang bahay, edukasyon at simpleng kabuhayan. Ilan lamang iyan sa pinagsusumikapan ng isang OFW na naghahanapbuhay sa ibang bansa. Isakripisyo ang simpleng kaligayahan na hindi makapiling ang mga mahal sa buhay alang-alang sa kinabukasan ng mga ito. Titiising malayo, makikipagsapalaran sa banyagang lugar, mangangamuhan sa ibang lahi upang maitaguyod ang pamilya at ang pangangailangan ng mga ito.
Si Sheila, dalagang ina. Umalis patungong Dubai upang mamasukan bilang isang katulong. Iniwan ang apat na taong gulang na anak sa kanyang kapatid na dalaga. Ngayon, magtatatlong taon na niyang hindi nasisilayan ang anak. Pero patuloy ang pagdating ng padalang pera na may nakalakip na larawan. Regular din ang pag-uusap sa pamamagitan ng telepono. At sa bawat pag-uusap nilang mag-ina ay hindi nalilimutan sabihin ni Sheila sa anak kung gaano niya ito kamahal. Sa pamamagitan man lamang ng telepono ay maiparamdam niya ang pagpapahalaga at pagmamahal dito. Sa murang kaisipan ng bata ay naitanim na sa kanya na ang pagsasakripisyo ng ina na malayo sa kanya ay tanda ng dakilang pagmamahal nito para sa kanya. Sinwerte si Sheila na nakatagpo ng mabait at matulunging amo., nakaipon at nakapagpundar agad sa loob ng tatlong taon. At sa susunod na taon ay uuwi na siya. Uuwi na siya sa kanyang anak, puno ng pag-asam, pag-asa at pangarap na hindi na muling mahihiwalay pa ulit dito.
Si Larry, solong anak ng mag-asawang medyo nakakaangat sa buhay, nakapagtapos ng kolehiyo at pinalad na matanggap na inhinyero sa Saudi. Sa kanyang unang taon ng paghahanap buhay sa disyerto ay saka naman tinamaan ng matinding kamalasan ang pamilya. Ang ama ay mayroong Lung Cancer at ang ina naman ay naaksidente, ngayon ay isa ng imbalido. Sa tindi ng karamdaman ng ama at kalagayan ng ina, nagdesisyon si Larry na ipagpatuloy ang pagtatrabahosa Saudi upang matustusan ang pangangailangang pinansyal ng mga magulang. Matuling lumipas ang panahon, dalawa..tatlong taon..nasa Saudi pa rin siya kaakibat pa rin ang obligasyon sa pamilya, nakilala niya si Melissa, nagkamabutihan, ikinasal. Lumipas muli ang 2 taon, niyaya ni Melissa si Larry na bumalik ng Pilipinas magtayo ng maliit na negosyo at magkatulong na alagaan ang ina (pumanaw na ng nakaraang taon ang ama ni Larry), habang unti-unting bumubuo ng sariling pamilya. Ngayon ay may dalawa na silang supling, negosyong stabilisado at masayang kapiling ang ina ni Larry.
Si Rina, ina ng tatlong anak, tumulak papuntang Dubai upang makipagsapalaran, lumisan ng apat na buwang gulang pa lamang ang bunso. Tatlong kinabukasan ang kailangan niyang paghandaan. Hindi gaanong pinalad, at dala ng problemang pampamilya, kinailangang bumalik ng Pilipinas makalipas ang walong buwan. Nagbalik ng hindi nakikilala ng bunso at kinapangilagan ng dalawa pa. Pinilit magsimula ulit. Sa ngayon ay kahit paano maayos naman sila, nakakain ng tatlong beses sa isang araw, ngunit hindi iyon sapat, lumalaki ang mga bata, lumalaki rin ang gastos. Kailangan mapaghandaan ang kinabukasan. Si Rina? Aalis ulit siya, muling lilisanin ang lupang sinilangan upang makipagsapalaran muli. Magbakasakaling mabigyan ng katuparan ang mga simpleng pangarap para sa kanyang mga supling.
Bawat taong lumilisan at iniiwan ang mga kani-kanilang pamilya upang magtrabaho sa ibang bansa ay may kanya-kanyang kwento, kanya-kanyang pagsubok, iba’t-ibang pangarap na pinanghahawakan. Magkaganunpaman, pinagbubuklod sila ng iisng adhikain…ang maisaayos at mabigyan ng magandang buhay ang mga minamahal. Kakayod ng todo, titiisin ang hirap at lungkot alang-alang sa pamilya. Yan ang tatak ng Pilipino.. above everything else, FAMILY FIRST!
Saludo ako sa mga matatapang na OFW Pilipino!
Author: Ms. Yanah Paguio Bautista
Share |
©2010 Pinoy Expats/OFW Blog Awards