Ang artikulong nasa ibaba ay mula sa pahina ni Ms. N ng Go, Celebrate The Gift Of Life!
(This is NOT an entry to the Pinoy Expats/OFW Blog awards (PEBA) 2010, kundi bilang pakikiisa sa mithiin ng patimpalak at pagsuporta sa mga OFW. For the official entries, click here. The person in the photo is a former OFW. Let’s call him, Mike. Ito rin ay isang pagpupugay sa lahat ng hirap na dinanas niya sa pangingibang-bayan.)
Anak,
Naalala kita kanina nang gumuhit ang isang matalim na kidlat. Takot ka pa ba sa kidlat? Noon kasi, takot ka kapag kumikidlat. Hahagilapin mo agad ako, tatakbo papunta sa akin, at magpapakarga. At pag nakakapit ka na sa bisig ko, maglalaho na ang takot mo. Pakiramdam ko, nagiging superhero ako. Tagapagpayapa ng loob mo. Taga-alis ng takot mo. At sa oras na nangyayari iyon, nananalangin akong patuloy akong maging superhero ng buhay mo.
Pero malayo na ako ngayon. Milya-milya ang ating pagitan. Maraming dagat at bundok ang naglalayo sa ating dalawa. Kung kikidlat man diyan, nag-aalala ako. Sapagkat walang malakas na bisig na kakarga sa ‘yo. Kaya maging matapang ka sa kidlat, Anak. Huwag kang magpapakarga sa Inay mo. Paminsan-minsan kasi, sumasakit daw ang likod niya sa paglalabada.
Pasensya ka na, Anak. Ang iwanan kayong mag-ina ay isang malakas na suntok sa dibdib ko. Ngunit ang mangibang-bayan na lang ang huling baraha ko. Maniwala ka, Anak, nagsikap ako habang nandyan sa isla. Kahit ang gabi ay ginawa kong araw sa pangingisda. Ngunit lumuwa man ang mga mata ko, lumawit man ang dila ko, at maubos man ang lakas ko sa pagsagwan, kumukurot sa puso ko ang katotohanang hindi ko kayo madaling maiaahon sa kahirapan.
Mahimbing kang natutulog sa duyan nang umalis ako. Nakatulog ka sa kaiiyak nang malaman mong aalis ako at hindi ka kasama. Ang akala mo’y sa bayan lang ako pupunta. Umiiyak ang iyong Inay. Umiiyak din ako. Parang pinipira-pirasong papel ang puso ko. Tumututol ang mga paa kong humakbang papalayo sa inyo. At habang bumabaybay sa payapang dagat ang bangkang maghahatid sa akin sa bayan, papaliit nang papaliit sa aking paningin ang ating dampang malapit sa dalampasigan. Ipinangako ko sa sarili ko, ipaaayos ko ang giray-giray na dampang iyon para pagbalik ko, buo na ang bahay ko, buo na rin ang pamilya ko.
Mainit dito, Anak. Mainit ang disyerto. Subalit kahit masakit sa balat ang silahis ng araw ay ginagapang ng lamig ang puso ko. Parang laging may hamog sa loob nito. Siguro dahil miss ko na kayo. Dalawang taon na ako rito pero hindi pa rin ako nasanay sa ganito, na mamuhay nang malayo. Kung noon ang paboritong libangan ko sa isla ay magduyan sa tabing-dagat kasama kayong mag-ina, ngayon ang tanging libangan ko’y maglaro ng usok ng sigarilyo at titigan ang mga larawan ninyo.
Anak, hindi pa rin natatapos ang aking pagsagwan. Araw-araw, patuloy ang pagsagwan ko sa mga pagsubok dito sa disyerto.
Pangungulila.
Bisyo.
Mabigat na trabaho.
Klima at temperatura.
Sakit.
Mga kasamahang hindi marunong makisama.
Pero magtitiis ako, Anak. Magtitiyaga ako. Alang-alang sa mga pangarap ko para sa inyo ng Inay mo. Binibilang ko ang bawat araw na dumadaan, na parang mga dahong nalalagas at kumakawala sa pagkakakapit nila sa mga sanga ng puno. Hihintayin kong muli kayong makasama. Kahit matagal. Kahit mabagal. Kahit mahirap. Basta’t nariyan kayo. Basta’t alam kong kahit magkalayo ay iisa tayo. Binibigkis ng iisang pangarap. Binibigkis ng iisang damdamin. Binibigkis ng pagmamahal. Kahit ano kakayanin ko para sa inyo.
Magpapakabait ka, Anak. Ang tanging lakas ko sa pagsagwan sa disyerto ay nagmumula sa iyo, sa inyong mag-ina. Sa bawat pagsagwan ko sa buhay dito, sumasandal ako sa bawat hello mo sa telepono, sa bawat ngiti mo sa webcam, sa bawat halik na ipinalilipad mo sa camera, sa bawat larawan mo habang lumalaki ka. Dahil sa mga bagay na ito ko hinuhugot ang aking lakas. Ang mga bagay na ito ang nagdudugtong sa aking hininga. Dahil baligtad na ngayon, Anak. Dahil ngayon ikaw na ang superhero ko. Ikaw na ang tagapagpayapa ng loob ko. Ikaw na ang tagapag-alis ng mga takot ko.
Nagmamahal,
Itay
©2010 Pinoy Expats/OFW Blog Awards